Tila hindi padadaig ang China sa Amerika pagdating robotic technology na puwedeng magamit sa police o military operation. Gaya ng robot dogs na kanilang ibinida sa isang military exercise na puwedeng lagyan ng armas.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, ibinida ng China ang kanilang robotic dogs sa nakaraang joint military exercise nila sa Cambodia, na Golden Dragon 2024.
Ang isang bersiyon ng robot dogs na gawa ng Chinese company na Unitree, mas magaang sa timbang na 15kg.
Mayroon itong 4D wide-angle preception system, at mabilis gumalaw at umiwas kaya madaling mararating ang target.
Ang mas malaking robot dog, puwedeng lagyan ng armas gaya ng assault rifle, at umasinta ng target.
Ayon sa tagapagsalita ng China forces, puwedeng gamitin ang robot dogs sa mga operasyon kagaya ng pag-atake sa kalaban.
Tingin ng ilang eksperto, may tapatan ang China at Amerika sa robotics pagdating sa pagpapa-igting ng kanilang militar.
Noong nakaraang taon, ipinamalas ng US Marine Corps ang kanilang robitic goat na mayroong rocket launcher.
Noong 2020, una nang ibinida ang US ang kanilang robotic dog sa isang military exercise sa Nevada.--FRJ, GMA Integrated News