Laking gulat ng isang pamilya sa Talisay City, Cebu nang makita nila na hindi nabulok at halos walang pagbabago sa hitsura ng bangkay ng kaniyang ina kahit 18 taon na itong patay.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng mga anak ni Luisa Abano o Nanay Loling, 18 taon na ang nakakaraan nang pumanaw ang kanilang ina dahil sa karamdaman.
At noong Mayo 4, sumakabilang-buhay naman ang kanilang ama na si Tatay Felix dahil sa katandaan.
Ang huling hiling niya, pagsamahin sila sa libingan ng kaniyang kabiyak na si Nanay Loling.
Kaya isang araw bago ang libing ni Tatay Felix, ipinahukay ng mga anak ang puntod ng kanilang Nanay Loling upang ipalinis nito para at doon ilibing ang kanilang ama.
Ang mga buto ni Nanay Loling, ipalalagay naman sana nila sa sako at isasama sa libingan ni Tatay Felix.
Pero laking gulat nila nang tanggalin na ang takip sa ataul ni Nanay Loling dahil buo pa rin ang kaniyang bangkay na halos walang pagbabago mula nang siya ay ilibing.
Wala rin umanong mabagong amoy nang buksan ang puntod, at tila kumapal pa umano ang buhok ni Nanay Loling.
Napansin din nila ang pagkakaroon ng tubig sa ilalim ng puntod ni Nanay Loling, gayung wala naman daw tubig sa ibang puntod.
Dahil sa walang pagbabago sa bangkay ni Nanay Loling, nakaramdam kahit papaano ng kasiyahan ang kaniyang mga anak dahil muli nilang nakita ang kanilang ina kahit 18 taon na ang nakararaan mula nang yumao siya.
Nagpasya rin ang magkakapatid na huwag nang galawin ang bangkay ng kanilang ina. Ipinaayos na lang ito upang ipatong ang bangkay ng kanilang ama.
Ano nga ba ang posibleng dahilan kung bakit hindi naagnas ang bangkay ni Nanay Loling kahit maraming taon na siyang namatay. Isa nga kaya itong himala dahil madasalin si Nanay Loling o kaya itong ipaliwanag ng siyensiya? Panoorin sa video ang paliwanag ng mga eksperto. -- FRJ, GMA Integrated News