Makapigil-hininga ang insidenteng nahuli-cam sa India nang mahulog ang isang sanggol mula sa ika-apat na palapag ng gusali at bumagsak sa bubungan na nasa ikalawang palapag. Ang sanggol, dumadausdos at namimiligrong mahulog muli.
Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing kasama ng sanggol na babae na walong-buwang-gulang ang ina nito nang mahulog ang paslit mula sa ika-apat na palapag ng residential building sa Tamil Nadu, at bumagsak sa bubungan sa ikalawang palapag.
Hanggang sa dumaudos ang bata sa dulo ng bubungan at nanganganib na bumagsak muli sa daanan na sementado na.
Ang mga lalaki, kumuha ng kumot na pangsalo sa bata, habang may mga kalalakihan din na pumuwesto sa unang palapag upang doon abutin ang sanggol.
Sa kabutihang palad, nakuha nila ang sanggol bago pa ito malaglag.
Dinala sa ospital ang sanggol na nagtamo ng mga gasgas at tama sa ulo pero maayos na ang kaniyang lagay. --FRJ, GMA Integrated News