Sa unang hagod pa lang ng suyod sa buhok ng isang 13-anyos na babae sa Argao, Cebu, halos napuno na ng kuto ang suyod. Bakit kaya pinamahayan ng sangkaterbang kuto ang kaniyang ulo? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Janice Abelle, na laging nagpupunta sa kanilang bahay ang 13-anyos na kapitbahay niya na itinago sa pangalang "Princess."
Ayon kay Janice, kaagad na mapapansin ang malansang amoy sa ulo ni Princess.
At nang hawian niya ang buhok ng dalagita, makikita ang napakaraming kuto sa ulo nito na kaniyang ginamitan ng suyod para alisin.
Upang masalo ang mga kuto, naglagay siya ng dahon ng saging na madaling makikita ang mga kuto na aakalain mong lupa dahil sa dami.
Ang mga kuto, ipinasunog daw ni Janine kinalaunan.
Pero matapos ang halos isang oras na pagsuyod sa ulo ni Princess, halos hindi pa rin nauubos ang kaniyang mga kuto. Bukod pa sa sangkaterbang ng mga itlog ng kuto na nakadikit sa kaniyang buhok.
Kaya nagpasya na si Janice na tanungin si Princess kung payag ba siyang kalbuhin na lang para hindi na pamahayan ng kuto ang kaniyang ulo.
Pumayag naman ang dalagita pero mayroon siyang naging hiling. Alamin kung ano ito at bakit nga ba pinamahayan ng ganoong karaming kuto ang kaniyang ulo? Ano rin ang dapat sa ganitong sitwasyon?
Panoorin sa video ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News