Nakaisip ng paraan ang isang padre de pamilya sa South Cotabato para maibsan ang init sa loob ng kanilang bahay na parang "oven" sa pamamagitan ng paglalagay ng water sprinkler sa kanilang bubungan na yero.
Sa ulat ni Abby Caballero sa Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing tatlong sprinkler ang inilagay ni Melecio Padojinig Jr. sa kanilang bubungan sa bayan ng Sto. Niño sa South Cotabato.
Wala raw kisame ang bahay nina Padojinig kaya tagos ang init sa loob mula sa kanilang bubong na gawa sa yero lalo na sa tanghali.
Naisipan ni Padojinig na maglagay ng water sprinkler nang minsan mag-spray siya ng tubig sa kanilang bubong at nakaramdam sila ng ginhawa.
"Nag-spray ako ng tubig sa bubon parang lumamig kaya sabi ko, 'Sige lagyan natin ng sprinkler," kuwento niya.
Binubuksan nila ang sprinkler na mistulang exclusive na ulan sa kanilang bahay tuwing 9:00 am hanggang 4:00 pm.
Malaking tulong umano ang springkler para mabawasan ang init sa kanilang bahay.
"Malaki ang kaibahan kasi dati parang over ang init dito sa loob ng bahay. Pero ngayon medyo nakakatulog na kami," pahayag niya.-- FRJ, GMA Integrated News