Inireklamo ng ilang pasahero ang umano'y mga surot sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 na dahilan para mangati sila at magkapantal.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng registered nurse na si “Kris,” nagkaroon siya ng mga pantal sa binti matapos maupo sa upuang rattan sa arrival area noong Biyernes.
“Sabi [ng clinic sa terminal] under investigation pa ito, pero alam ko surot yung kumagat sa akin,” giit niya.
Sa metal bench naman naupo noong Feb. 9 si “Crissel” na nakaranas din ng pangangati sa terminal ng paliparan para mamundo.
Nang makauwi na, napansin na ni Crissel ang mga maliliit na kagat at pantal sa kaniyang balat.
“May something parang may naglalakad or makati tapos ang inisip ko lang po baka may buhok. Kinagabihan pagdating namin sa province, kinapa ko po may malaking pantal. The next day, bilog bilog na lang sila na maliliit sobrang dami,” kuwento ni Crissel.
“Siguro hindi na po enough yung linis ngayon, dapat tanggalin na,” dagdag niya.
Kamakailan lang, naibalita ang pagkakaroon ng mga surot sa mga hotel sa Paris, Hong Kong at Korea.
Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng MIAA sa mga nagreklamo at nangakong tutugunan kaagad ang problema.
Inalis na rin ang mga tinukoy na upuan at magsasagawa masusing paglilinis sa pasilidad, at magsasagawa rin ng imbestigasyon. --FRJ, GMA Integrated News