May lapad na 80 pulgada at bigat na aabot sa 200 kilos, nais ng isang kolektor na bilhin sa halagang P300,000.00 ang isang dambuhalang kawa sa Batangas na pinaniniwalaang 200 taon na ang tanda. Pumayag naman kaya ang may-ari? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na ang dambuhalang kawa ay pag-aari nina Connie at Gerald Rodriguez ng Tuy, Batangas.
Ayon kay Connie, pamana ng mga ninuno nila ang kawa na nauna pa raw bago pa magkaroon ng mga pabrika sa kanilang lugar para sa mga tubo o sugarcane.
Kuwento ni Connie, ang kawa ang ginagamit ng kaniyang mga ninuno para paglutuan ng katas ng tubo na ginagawang mascuvado o asukal.
Sa paglipas ng maraming taon, ang dambuhalang kawa, naging paliguan o mini swimming pool na lang ng pamilya.
Ang kawa na pinaniniwalaang ginawa noong 1800's o panahon pa ng mga Kastila, at hinihinalang nanggaling sa Europa dahil na rin sa marka na nakalagay dito na London.
May nag-alok umano noon na bibilhin ang kawa sa halagang P200,000 pero hindi sila pumayag sina Gerald dahil P500,000 ang presyo na nais nilang makuha mula rito.
Gagamitin sana nila ang pera para matubos sa pagkakasangla ang kanilang lupa, mabayaran din ang iba pa nilang pagkakautang.
Ang kolektor at Pinoy picker na si Kyle Gianan, pinuntahan ang kawa upang surian kung tunay na luma ito at kung maituturing nang antigo.
Tiningnan ni Kyle kung sadyang matagal na ang mga kalawang sa kawa, at sinukat ito kung akma sa sukat noong unang mga panahon. Pero namangha si Kyle nang malaman niya na mula sa London at hindi gawa sa China ang kawa.
Ang resulta, tunay na antigo ang kawa at tama lang umano sa presyo na hinihingi nina Gerald na P500,000.00
Ipinakilala ni Kyle kina Connie at Gerald ang kolektor din na si Nick Hernandez na interesadong bilhin ang kawa.
Unang nag-alok si Nick ng presyong P250,000 na kinalaunan ay itinaas niya at isinagad sa preyong P300,000.00, na mas mababa pa rin sa nais nina Gerald na P500,000.00.
Pero pumayag na kaya sina Gerald lalo na't kailangan nila ang pera? Alamin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News