Dobleng kilabot ang naramdaman ng isang pamilya matapos nilang mabisto ang hindi lang isa, kundi dalawang ahas na kumakaluskos sa wallpaper ng kanilang kuwarto.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, inilahad ni Rosemarie Ancheta, may-ari ng bahay, na narinig nila ang kaluskos noong isang gabi na nanggaling pala sa kanilang wallpaper.
“Parang maingay, kumakaluskos and narinig nga po niya na ‘yung ingay ay nanggagaling sa wallpaper,” sabi ni Ancheta.
Ayon pa kay Ancheta, wala pang palitada ang kanilang pader kaya wallpaper muna ang kaniyang mga ikinabit.
Hanggang sa mapilitan silang sirain ito nang may marinig na roon ang kaniyang kapatid.
Nang-iangat na nila ang wallpaper, gumulantang sa kanila ang isang ahas. Pagkalipas ng isang oras, natuloy pa ang kanilang kilabot dahil may mas mahabang ahas pa pala na nagtatago sa ilalim ng wallpaper.
Nabahala nang labis si Ancheta dahil natutulog sila sa mismong kuwarto ng kaniyang dalawang taong gulang na anak.
“Ang main concern ko, baka kasi ‘yung toddler ko ‘yung maka-encounter at baka makagat. Although ‘di naman daw siya venomous, pero nagko-cause pa rin sila ng swelling and discomfort,” sabi ni Ancheta.
Sinabi ng ginang na ahas-bahay o wolf snakes ang napunta sa kanilang kuwarto, na posibleng nabulabog matapos putulin ang mga puno sa katabi nilang lote.
Maulan din noon ang panahon nang mamataan nila ang mga ahas.
Bagama’t nanunuklaw ang mga ahas, wala naman itong nasaktan sa pamilya.
Matapos ang insidente, ipinatanggal na ni Ancheta ang wallpaper sa kanilang kuwarto.
“Hay naku! Sabi ko, ‘Tanggalin niyo na lahat ng mga wallpaper.’ Kasi po ‘yung kuwarto po namin na ‘yun, talagang pinuno ko ng wallpaper dahil nga po aesthetic siyang tignan. Eh hindi ko naman akalain na ahas-thetic po pala!” sabi ni Ancheta. — VBL, GMA Integrated News