Pambihira ang nangyaring pagbubuntis ng isang ginang sa Amerika na dalawa ang matres at sabay na nagkaroon ng baby. Pero ang kambal, magkaiba ang birthday.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, inihayag ng ginang na si Kelsey Hatcher na hindi siya makapaniwala nang ipagbuntis niya at mailuwal ang kaniyang kambal na sina Roxi Layla at Rebel Laken.

Nabuo sa magkahiwalay na sinapupunan ang kambal dahil sa rare congenital condition ni Kelsey na uterus didelphys o  pagkakaroon ng dalawang matres.

Pero hindi niya inasahan na parehong magkakaroon ng baby ang dalawa niyang bahay-bata.

Pambihirang dicavitary pregnancy ang tawag sa pagbubuntis ni Kelsey, na sabay na nagkaroon ng baby ang dalawa niyang sinapupunan.

"It was two babies in one belly at the same time. They just had different apartments, " ayon kay Prof. Richard David, tumulong sa pagpapaanak kay Kelsey.

High risk daw o peligroso ang naging pagbubuntis ni Kelsey. Inabot ng 20 oras ang kaniyang pagla-labor bago niya naisilang ang kambal.

Unang nailabas ni Kelsey sa normal delivery si Roxi noong gabi ng December 19. Habang na-caesarean naman ang ginang kay Rebel na nailabas niya noong umaga ng December 20.

Kapuwa naman malusog ang kambal.

Bago ang kambal, mayroon nang naunang tatlong anak si Kelsey at ang kaniyang mister na si Caleb. --FRJ, GMA Integrated New