Laking gulat ng mga residente sa isang barangay sa Libmanan, Camarines Sur nang makita nila ang isang butanding na nasa mababaw na bahagi ng dagat.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa baybayin ng Barangay Tinalmud Viejo sa Libmanan.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bicol, posibleng may hinabol na pagkain ang whale shark kaya napunta sa baybayin at hindi na nagawang makabalik sa malalim na parte ng dagat.

Idinagdag ng awtoridad na maaari din na na-disoriented ang butanding at hindi na natandaan ang kaniyang dadaanan.

Wala namang nakita sugat o marking sa butanding.

Sa kabutihang-palad, matagumpay na natulungan ng mga awtoridad at residente ang dambuhalang hayop upang makabalik sa malalim na parte ng dagat.

Ayon sa BFAR-Bicol, mahalaga na naire-report kaagad sa mga awtoiridad ang mga katulang na insidente para makagawa ng kaukulang aksyon para mailigtas sila. --FRJ, GMA Integrated News