Nag-viral kamakailan ang mga litrato at video ng mga buto ng isang "misteryosong" nilalang na pinaniniwalaang sa sigbin na natagpuan mula sa kisame ng isang ancestral house sa Talisay City, Cebu.
Ayon pa sa may-ari ng bahay, may gustong bumili sa mga buto na halagang "milyon" ang bayad.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang tahanan ni Ray Cervantes, kung saan nadiskubre sa kaniyang kisame ang hindi pa matukoy na kung anong hayop o nilalang.
"'Yung ulo niya, iba naman hitsura, elongated. Socket ng mata niya malaki. 'Yung nguso niya, nandu'n 'yung pangil," sabi ni Cervantes.
Ngunit ipinagtaka ng nina Cervantes at iba pang mga taga-Talisay na may dalawa itong paa pero wala namang mga kamay. Kaya lumakas ang kutob ng ilan na ang mga buto nito ay pagmamay-ari ng napakailap pero matagal nang pinaniniwalaan at kinatatakutang sigbin.
Dahil dito, ilan pa ang tumawag kay Cervantes at nagka-interes na bilhin ang mga ito sa halagang P2 milyon.
Gayunman, hindi siya pumayag matapos umano siyang pigilan ng dalawa niyang kamag-anak sa panaginip.
Ngunit ang Talisay City Veterinarian na si Dra. Ma. Christine Hope Dejadena, hinihinalang mga buto o kalansay lamang ito ng pusa.
Sa naturang episode, isa pang veterinarian ang sumuri sa mga buto.
"Magdeperensya 'yan sila depende sa age. Kung bata pa siyempre ang featues niya, dili pa man siya fully mature, so hindi talaga siya ganu'n ka-emphasized 'yung head niya kung bata pa siya," sabi ng veterinarian na si Dr. Jun Chua Espinosa.
Batay sa kanilang inisyal na pagsusuri, ang mga buto, hindi raw sigbin.
"Kita ko 'yung elongated yung head feature niya. Yung eye socket niya, it's unusually large which fits sa feature talaga ng cat. Kasi, it was designed like that for the eyes of the cat to fit." Makikita mo, wala siyang collarbone. Tapos yung vertebral column niya, hindi talaga siya like sa ibang species na magkakadikit talaga sila," paliwanag ni Espinosa.
"Normally, 'yung sa cat kasi, medyo hindi siya ganu'n ka-tightly connected. Tsaka 'yung nagko-connect sa kanila, the ligaments, 'yung mga discs nila, spongy siya. Kasi it is also designed like that for flexibility," dagdag niya.
"Siyempre, nandoon siya sa kisame. So baka nalaglag or kinuha ba siya ng mga daga," sabi ni Espinsa tungkol naman sa kawalan ng mga paa nito sa harap.
—Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News