Isang dambuhalang lapu-lapu ang nahuli ng mga mangingisda sa Lagonoy Gulf na malapit sa Catanduanes at Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Lunes, sinabi ng mangingisdang si Joey Habana, na hinatak na lang nila ang isda gamit ang bangka dahil hindi na nila ito kayang buhatin.
Tinatayang may timbang na 163 kilos ang isda o katumbas ng mahigit na tatlong sako ng bigas.
Hinatak nila ang isda papunta sa baybayin ng Barangay Cabcab sa bayan ng San Andres, Catanduanes.
"Nung una ko talagang nakita, nung pagtingin ko sa ilalim talagang hindi ako makapaniwala kasi sa sobrang laki. Yung kasama ko, napasigaw kaming dalawa," ayon kay Habana.
Ginamitan pa ito ng pitong bingwit o palitad ng mga mangingisdang sina Habana at Jomer Tapar.
Nahuli nila ito noong madaling araw, at inabot ng mahigit isang oras bago nila naiangat ang isda mula sa ilalim ng dagat.
Sumikat na ang araw bago nila ito madala sa pampang.
Nang iahon, pinagkaguluhan ng mga tao ang isda, habang anim na tao ang nagtulong-tulong upang mabuhat ito at madala sa pamilihan.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Catanduanes, bihira na makahuli ng ganoong kalaki ng isda na kaya raw umabot sa timbang na 400 kilos.
“Ang isdang ito ay puwedeng tumimbang ng hanggang 800 pounds or 400 kilograms at puwedeng umabot ito sa haba na tatlong metro. Ito naman ay bihira namang mahuli ng ating mga mangingisda. Bihira na lang itong makuha sa ating mga bahura,” sabi ni Joey Camacho ng BFAR Catanduanes.
Itinuturing na suwerte at maagang pamasko ng mga mangingisda ang dambuhalang lapu-lapu na naibenta sa halagang P20,000.
Nagpaalala naman ang BFAR na mas malaking biyaya pa ang maaaring mabingwit kung magtutulungan ang lahat para pangalagaan ang karagatan. --Jamil Santos/FRJ/VBL, GMA Integrated News