Nangilabot ang ilang nakakita sa video na nahuli-cam ang isang tindero na may ipinapahid na tila dugo sa paninda niyang karne ng isda sa isang palengke sa Davao City. Pangamba ng iba, baka dugo ng baboy ang ipinapahid sa isda gayung maraming Muslim ang bumibili rito.
“Honestly, sukang-suka kami,” sabi ng isang nakasaksi sa ginawa ng tindero sa Agdao Public Market, ayon sa ulat ng Sa video ng GMA Integrated Newsfeed.
Ayon sa saksi, inakala nila noong una na food coloring ang inilalagay ng tindero sa isda hanggang sa mapagtanto nila na dugo pala ito na inaakala nila na mula sa baboy.
Napag-alaman na mga karne ng isdang tuna at bariles ang pinapahiran ng dugo.
Nakarating naman sa lokal na pamahalaan ng Davao city ang insidente at nagsagawa ng imbestigasyon.
Noong una, itinanggi umano ng tindero ang bintang.
Pero batay sa ginagawang pagsusuri ng City Veterinarian Office, dugo talaga ang ipinahid ng lalaki sa karne ng isda.
Gayunman, lumitaw na dugo ng isdang bariles ang ginamit ng lalaki, at hindi dugo ng baboy na taliwas sa unang inakala ng mga nakasaksi.
Tiniyak ng mga awtoridad na hindi naman ito delikado sa kalusugan ng tao sakaling makain.
Pero binigyan pa rin ng notice of violation ang lalaki, maging ang pamunuan ng palengke dahil mahigpit na ipinagbabawal ang naturang uri ng aktibidad sa palengke. -- FRJ, GMA Integrated News