Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos magtangkang magnakaw ng alak at shampoo sa isang grocery store sa Bacolod City. Ang suspek, iginiit ang pagnanakaw dahil kailangan niya ng gamot para sa kaniyang ngipin.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din sa GMA News Feed, makikitang sinunggaban at hindi na binitawan ng guwardiya ang suspek palabas ng grocery store.

Nagpumiglas ang lalaki at muntik pa silang matumba, ngunit hindi kumalas ang guwardiya sa kaniyang pagkakakapit.

Bago nito, sinabi ng guwardiya na tinangka umano ng suspek na nakawin ang ilang paninda.

Sinabi ng isa pang empleyado na hindi ito ang unang pagkakataon na ninakawan sila ng suspek na isa palang shoplifter sa tindahan, at may dala-dala pa noong patalim.

Kinilala ang suspek na si Salmino Grijaldo Jr., na umamin sa pagnanakaw.

Giit ng suspek, nagawa niya lamang ito para sa gamot sa kaniyang sumasakit na ngipin. Ngunit ang kaniyang ninakaw, alak at ilang sachet ng shampoo.

Nakabilanggo na sa Bacolod City Police Station ang suspek, habang desidido ang pamunuan ng grocery store na magsampa ng kaso laban sa kaniya.

Inaalam pa ng pulisya kung dawit din sa ibang krimen ang suspek.

Nagbabala rin ang mga awtoridad sa pagdami ng mga magnanakaw kasabay ng pagdiriwang ng MassKara Festival. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News