Maaksyon ang pagtugis ng pulisya sa isang lalaki na nangholdap umano ng isang taxi driver at i-carnap pa ang sasakyan nito sa Rizal. Ang suspek, arestado.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang video ng Rizal Provincial Police Office ng paghabol nila sa humaharurot na taxi sa Morong madaling araw ng Miyerkoles.

Ang holdaper umano ang siyang nagmamaneho ng sasakyan.

Sinabi ng pulisya na naganap ang panghoholdap pasado 11 p.m. ng gabi noong Martes.

Ayon kay Police Colonel Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal Provincial Police Office, nagmula sa may Aurora Boulevard sa Quezon City ang suspek, at nag-book ng taxi papuntang Angono.

Pagkarating sa Angono, nagdeklara na ng holdap ang suspek at tinutukan ng patalim ang taxi driver.

Nakuha ng suspek ang P1,500 at ilang ID ng biktima, na pinababa sa madilim na bahagi ng isang subdivision sa Angono.

Ngunit na-track ng driver ang dinadaanan ng kaniyang taxi gamit ang GPS ng sasakyan.

Dito na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya.

Pagkarating sa bayan ng Tanay ng suspek, nakabangga pa siya ng isang tricycle na patungong Baras.

Naaksidente pa ang dalawang pasahero at ang tricycle driver, na nagtamo ng mga sugat.

Isang babaeng pasahero ang nagkaroon ng bali sa kaniyang kanang binti.

Hindi huminto ang taxi sa pagharurot pagkaraan ng banggaan, hanggang sa makarating ito ng Barangay Halayhayin sa Pililla, Rizal.

Doon na tuluyang nadakip ng mga awtoridad ang suspek bandang 6 a.m.

Umamin sa krimen ang 39-anyos na suspek na si alyas "Mark."

"'Yun lang po ang sa akin, holdap lang po, wala po akong balak gawin sa sasakyan. Iiwanan ko rin po 'yun, pang-getaway lang po 'yun," sabi ng suspek.

Ayon pa sa kaniya, nagawa niya ang krimen dahil sa bisyo.

"Sa sugal po tsaka sa drugs po," sabi ng suspek, na nakabilanggo sa Angono custodial facility at nahaharap sa mga reklamong robbery with carnapping at reckless imprudence resulting in multiple injuries and damage to property. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News