Anu-ano nga ba ang dapat at hindi dapat gawin, at maging ang mga salitang dapat iwasang sabihin kapag nakikiramay sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay upang hindi makadagdag sa kanilang pighati.
Likas sa mga Pilipino ang pagdamay sa mga kakilala na nawalan ng mahal sa buhay upang maipadama na hindi sila nag-iisa sa panahon ng kanilang pangungulila.
Gayunman, may pagkakataon na nakapagbibitaw nang hindi nararapat na salita ang nakikiramay at hindi nila alam na nakasasakit na sila ng damdamin ng nagluluksa dahil sa akalang hindi nila ikinokonsidera ang kanilang pinagdaraanan.
Sa panayam ng GMA News Online, inilahad ni Beverly T. Ongson, RPsy, psychologist sa Dear Future Self (DFS) Consulting PH, na ang unang dapat tandaan ng isang taong nakikiramay ay ang maging sensitibo.
“We have to talagang express care sa taong ‘yon. Para ma-express natin at maipakita natin na sensitive tayo, we have to acknowledge 'yung loss niya. We have to say na ‘I'm sorry for your loss.’ Ina-acknowledge natin ang kawalan ng mahal niya sa buhay, ” sabi ni Ongson.
Pangalawa, mahalagang matutong makinig kung ano man ang gustong ihayag ng isang taong namatayan.
“Ipaparamdam natin na safe space 'yon. ‘Sige magkuwento ka lang,’ ‘Sorry, ano ang nangyari?’ So when it comes to active listening, puwede ka rin naman magtanong ano ang nangyari, ‘Kumusta na kayo ng pamilya mo?,’” patuloy niya.
Bilang mga nakikiramay, kailangan nating maipadama sa taong namatayan na may lugar para sa kaniya na umiyak o magluksa.
Dagdag ni Ongson, nakatutulong din ang pagbabahagi o pagkuwento ng mga masasaya at positibong alaala ng taong pumanaw.
Gayunman, ipinaalala ni Ongson na dahil nagluluksa pa, paiba-iba ang emosyong nararamdaman ng isang taong namatayan.
“You have to be very patient kapag kaharap mo ang isang taong nagluluksa. Kasi makikita mo at maririnig 'yung 'pagiging unstable niya. Minsan okay siya, minsan palabiro, minsan iiyak, minsan talagang humahagulgol, minsan ang daming tinatanong, minsan galit. Those are all part of living kasi,” paliwanag ni Ongson.
May mga pagkakataon din na nagpapaulit-ulit na ang taong namatayan sa kaniyang mga kuwento o sinasabi, kaya kinakailangan ang mahabang pag-unawa.
“We give our support to them para ma-feel nila na ‘May nakikinig pa pala sa akin,’ ‘May patient pa rin palang tao na nakikinig sa akin,” payo pa ni Ongson.
Mahalaga rin ang mag-“follow-up” o kumustahin ang taong namatayan gaya ng 'pagtatanong na, “How are you coping?”
Hindi naman inirerekomenda ni Ongson ang pagsasabi sa isang namatayan ng, “Naiintindihan ko ang iyong pinagdaraanan,” dahil posibleng iba ang antas ng relasyon o pinagsamahan nila ng taong pumanaw kaysa sa atin.
“Huwag natin sasabihin 'yung... ‘We understand what you're going through.’ Kasi puwede nilang ibato sa iyo na, ‘Hindi eh, hindi mo naintindihan eh. Hindi same 'yung pinagsamahan niyo.' For example, 'yung intensity at gravity, hindi same. So, 'yun actually 'yung mga iiwasan natin,” paliwanag niya.
Hindi rin niya inirerekomenda na magsabi ng “time will heal all wounds” at “everything happens for a reason.”
“Huwag 'yung mga ganoong pa-quotes, kasi baka mainis lang sila. Kasi hindi 'yon applicable for them. Hindi ‘yan one size fits all. So, talagang babagayan mo rin,” sabi ni Ongson.
“Puwede kasi during that time, ma-hurt siya 'pag sinabi mo ‘yon. Hindi pa niya alam kung ano 'yung rason. Baka ma-frustrate siya 'pag sinabi mo ‘yon, kasi lagi na lang 'yon 'yung sinasabi sa kaniya,” dagdag ni Ongson.
Ayon pa sa kaniya, hindi dapat pinagmamadali ang isang taong namatayan sa pag-move on.
“‘Move on ka na. Okay na 'yan. Ang tagal-tagal na.’ Huwag 'yung mga ganiyan kasi siyempre, mahu-hurt sila or they don't know kasi how to move on. At lalo silang nadi-disappoint. Don't rush them,” patuloy ni Ongson.
Ayon pa sa kaniya, hindi dapat magbigay ng timeline sa pag-move on ng isang nagdadalamhati.
“‘Dapat okay ka na.’ ‘Dapat by... ganito okay ka na.’ Huwag 'yung mga gano'n na talagang may timeline pa kung ano ang dapat nilang ma-feel. Just let them be,” paalala niya.
Sabi pa ni Ongson, dapat hayaan na magkuwento ang taong nawalan ng mahal sa buhay, at huwag basta iibahin ang paksa ng pinag-uusapan.
“Huwag mo rin iche-change 'yung subject. ‘Maiba tayo, in a lighter note…’ Huwag 'yung mga 'gano'n,” dugtong niya.
Kapag inaalala ng isang tao ang pumanaw niyang mahal sa buhay, sinabi ni Ongson na ang mga nagluluksa muna ang dapat na “bida.”
“Don't change the subject. Kasi, maybe for some, these are the only days which they have time to remember their loved ones,” saad niya.
Huwag ding namang mamilit sa isang tao na magkuwento, lalo na kung hindi pa siya kumportable o hindi pa handang magsalita. Kaya bukod sa pagpapahalaga sa kanilang nararamdaman, mainam na ipakita ang tunay na pakikidalamhati.
“For example, being there, pumunta ka, bumisita ka, that's being genuine na agad eh. Expressing sorrow, hindi 'yung 'pagpunta mo roon, tuwang-tuwa ka pa. So, babagayan mo rin, titimplahin mo rin,” payo ni Ongson.
“Mas matimbang talaga 'yung listen as compared to anong sasabihin mo. Mas safe ‘yun, if you're going to listen sa kanila,” dagdag niya.
Hayaan umano ang nagluluksa na magpakita ng kaniyang nararamdaman, at samahan naman din ng pakikiramay.
“Kung nakikita mo, malungkot, ‘O sige, iiyak mo lang 'yan, okay lang 'yan. Puwede mo i-validate 'yung nakikita mo, kung ano nafi-feel nila,” ani Ongson. “We have to be more mindful at be aware of 'yung things on what we say and more of like listening lang kung hindi mo sure kung tama 'yon. But definitely, don't give advice.”
Sinabi rin ni Ongson na hindi naman masama ang magbiro o magbitaw ng joke, ngunit dapat naaayon o ibinabagay ito sa "timing," at kailangan talagang "timplahin."
“Kung maraming nagluluksa, siyempre titimplahin mo ‘yung buong kwarto, 'yung lahat ng mga tao na nasa room na ‘yun, hindi lang 'yung isang tao na ‘yun. You have to know the mood, the atmosphere, 'yung mood ng atmosphere, 'yung room na ‘yun kung okay ba, something funny ba ‘yon,” paliwanag niya.
Maaaring magbiro sa mga informal gatherings kung saan ang iba ay nagbabahagi ng masasayang alaala ng taong pumanaw, ngunit hindi sa mga pormal na pagtitipon o seremonya na may mga nag-iiyakan.
Antas ng pagluluksa
Ayon kay Ongson, magkakaiba rin ang “intensity” o bigat na nararamdaman ng mga tao tungkol sa isang pumanaw, dahil sa ilang kadahilanan o factors.
“So puwede kasing, kunwari, 'yung relationship at 'yung attachment niya dun sa namatay. Is it something close talaga siya sa tao? Or distant siya? Or ito 'yung taong tumatayo talagang support system niya, father figure niya, mother figure niya. So, mas mabigat ‘yun,” paliwanag niya.
Nag-iiba rin ang antas dahil sa sanhi ng pagkamatay ng mahal sa buhay, lalo kung ito ay biglaan lamang at hindi nila inakalang mangyayari ito kaya hindi sila nagkaroon ng closure o nakapaghanda.
Nagdadala rin ng kabigatan sa damdamin ang paraan kung paano nalaman ng isang tao ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay, lalo kung sila ay tinawagan.
Ngunit sa taong matagal nang maysakit gaya ng kanser, posibleng may pagtanggap na ang pamilya sa kaniyang pamamaalam.
Magkakaiba rin ang pagtanggap ng tao sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay, lalo kung may “support system” siya.
“For example, siya ba 'yung talagang mabilis mag-bounce back? Or hindi, every time na may challenges, may hirap siya mag-bounce back? Marami ba siyang support system? Iisa ba siya? Or like may mga karamay siya. May partner siya, may pamilya siya, may friend siya who can support him. So, that also matters. Gumagaan 'yung tao 'pag may support system,” patuloy ni Ongson.
Iba rin ang sitwasyon kung ang sunod-sunod na namamatay ang mga miyembro ng pamilya.
“So, siguro kakamatay lang ng tatay niya, ay next 'yung mom niya. So mas matimbang. Pabigat ng pabigat. Hindi pa siya nakaka-grieve doon sa una, may kasunod na,” aniya.
Ngayong Undas 2024, ibinahagi ni Ongson ang ilan sa mga nakatutulong na paraan ng pag-alala ng mga mahal na yumao sa buhay.
“You can commemorate them by visiting, having a symbol, lighting some candles, sharing some stories, sine-serve or ino-offer ‘yung favorite foods ng tao. Puwede rin naman you have gatherings and then may prayer," payo ni Ongson.
Pagluluksa
Ipinayo rin ni Ongson sa mga nawalan ng mahal sa buhay na mahalagang bigyan ng panahon ang sarili para magluksa.
“First, at hindi lahat na nakagagawa nito is, you have to really allow yourself to grieve. Kailangan magbigay ka ng time at ng emotional investment na magluksa. [Pero] hindi kailangan 24/7 nagluluksa ka,” aniya.
Sabi ni Ongson, hindi dapat iwasan ang pagluluksa sa pagkawala ng mahal sa buhay. Maaaring maglaan ng sandali sa bawat araw.
“You have to allow yourself to feel 'yung lahat ng emotions na napi-feel mo. Kunwari hindi ka nakaiyak during the week kasi busy ka, which is normal… O kaya naiiyak ka, sige, iiyak mo. ‘Pag hindi ka comfortable, 'yung iba umiiyak sa CR, umiiyak sa kuwarto nila, umiiyak sa office nila. You can also talk about it. That can help,” payo niya.
Ayon pa kay Ongson, isa sa mga hindi tamang paraan ng pagluluksa ang pag-iwas o hindi pagkilala o “in denial” sa nangyari.
“It's because ang underlying emotion is fear. Natatakot. Natatakot na napagdaanan ba 'yung process? Natatakot na tanggapin na wala na talaga siya?”
“‘Pag kunwari in denial ang isang tao, ginagawa natin is pinakikita natin, ‘Nandito kami, huwag kang matakot. Para mas ma-accept, mas lumambot. So, number one is they really avoid the emotion,” dagdag ni Ongson.
Kaya naman nakatutulong umano kapag pinag-uusapan ang yumaong tao kasama ng mga mahal sa buhay, kaibigan at kakilala ng taong iyon.
Kung sakali namang walang mapagkuwentuhan, puwede itong idaan sa pagsulat sa isang journal o sa phone.
“Ano pa 'yung mga gusto mong sabihin? Ano pa 'yung mga gusto mong itanong? Kung galit ka, sige. Kahit may mura-mura pa diyan, okay lang. Basta mailabas mo. Kasi part of grieving is denial, anger, poverty, depression, sadness. There's a lot of emotions in it,” sabi ni Ongson.
"So, with that journal, at least, nailalabas mo lahat ng mga emotions, lahat ng mga thoughts mo, lahat ng mga gusto mo sabihin,” dagdag niya.
Puwede ring isama sa sulat ang mensahe ng pagpapatawad o pag-move-on.
“‘Yung iba may grief diary, that's what we also make our clients do. Ipinapasulat namin per day, ‘Anong stage ka?’ Ito 'yung mga naramdaman today, tomorrow. And it usually lasts for less than two weeks. Okay na sila,” sabi pa ni Ongson.
Nakatutulong din ang pagsasa-ayos ng mga altar, pag-display ng mga larawan o pagsasagawa ng mga rituwal gaya ng pagsisindi ng kandila, sa pag-alala sa taong yumao.
“Grieving, we have to remember kasi, hindi siya buong day, hindi siya araw-araw. Kasi nakaka-exhaust siya emotionally, mabigat when we have emotional exhaustion. So you really have to care of yourself. Ibig sabihin, kakain ka pa rin, matulog ka pa rin, you take rest pa rin,” paalala ni Ongson.
Alalahanin din ang mga taong kapwa nagluluksa at kumustahin sila.
Maaari ding puntahan ang mga lugar na napuntahan kasama ang taong yumao at gumawa ng mga bagong alaala kasama ang mga buhay na mahal sa buhay. --FRJ, GMA Integrated News