Nagulat at natakot ng ilang residente sa isang barangay sa La Trinidad, Benguet nang malaman nila na cobra pala ang bagay na nakapalupot sa sampayan na nasa bakuran ng isa nilang kapitbahay.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabi ng ilang saksi na inakala nilang karaniwan lang ang dahilan kung bakit nag-iingay ang pusa sa kanilang lugar.
Ngunit nang tingnan nila, doon na nila nakita ang cobra na nakapalupot sa sampayan.
Nagtungo naman sa lugar ang ilang tauhan ng Department of Environment and Natural Resources para hulihin ang cobra ngunit nawala na ito nang dumating sila.
Kaya naman hindi maiwasan ng mga residente na mangamba na baka bumalik ang cobra.
Payo ang mga awtoridad sa mga residente, mag-ingat at agad ipagbigay-alam sa kanila kung muling magpakita ang cobra.
Sa Nagcarlan, Laguna, isang pamilya rin ang ginambala ng cobra na nakita sa kanilang bakuran pero naging pahirapan ang paghahanap dahil sa dami ng nakatambak na gamit.
Nakita naman kinalaunan ang ahas na isang Philippine cobra na nakatago sa loob ng lumang karaoke machine na nasa bodega.
Matapos mahuli at inilagay sa sako, makakahinga na ang pamilya at maalis ang takot sa cobrang gumagala sa kanilang bakuran. -- FRJ, GMA Integrated