Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang isang lalaki matapos siyang salpukin ng humaharurot na motorsiklo sa Catanduanes. Nangyari ang insidente habang hinahabol ng lalaki ang isang bata na tumawid ng kalsada na posibleng nahagip ng motorsiklo kung hindi siya ang nabundol.
Sa GMA Integrated Newsfeed, mapapanood sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, ang isang bata na tumatakbo sa gilid ng kalsada sa Barangay San Andres sa munisipalidad ng Bato.
Kasunod niya ang isang lalaki na humahangos para makuha ang bata na nagsisimula nang tumakbo patawid ng kalsada na maraming motorsiklo ang humaharurot sa magkabilang linya.
Sa gitna na ng kalsada ang dalawa nang biglang mahagip mula sa likuran ang lalaki at natumba. Masuwerte naman na hindi nadamay ang bata na ligtas na nakatawid.
Kaagad namang inalalayan ang lalaki na nanatiling nakahiga sa kalsada at kinalaunan ay dinala sa ospital para magamot ang tinamong mga sugat.
Maayos na ang lagay niya, pati na ang bata.
Ayon sa pulisya, maaaring managot ang mga magulang ng bata dahil sa kapabayaan kung sakaling may magsasampa ng reklamo kaugnay sa nangyaring insidente. --FRJ, GMA Integrated News