Matapos makaramdam ng kakaiba sa kaniyang lalamunan at umubo na may kasamang dugo, nagpasuri sa duktor ang isang babae sa China at laking gulat nila nang madiskubre na may buhay na linta sa kaniyang lalamunan.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabi ng mga doktor mula sa isang traditional Chinese medicine hospital na nagpasuri ang babae matapos niyang mapansing may dugo sa kaniyang ubo.

Masakit din ang kaniyang pag-ubo at may nararamdamang kakaiba sa kaniyang lalamunan.

Nang suriin sa CT scan, nakita na may nakabara sa kaniyang trachea, na bahagi ng respiratory system at isa sa mga daanan ng hangin patungo sa baga.

Ngunit hindi agad natukoy ng mga doktor kung ano ang makabara sa trachea ng babae kaya nagdesisyon silang magsagawa ng bronchoscopy. Isa itong procedure kung saan pinapasukan ng manipis na tube ang airways para direkta itong makita.

Sa video, makikita na may kulay gray na nakabara malapit sa vocal cords ng babae. Nang dahan-dahan itong hinila ng mga doktor, natuklasan nila na isa pala itong buhay na linta.

Sinabi ni Dr. Zhao Xiao, lider ng surgical team, uminom umano ng tubig mula sa bundok ang babae at hindi niya napansin na may linta siyang nalunok.

Dalawang linggong nanatili sa trachea ang linta at sinipsip nito ang dugo ng pasyente.

Pagkatanggal sa linta, kaagad umanong gumaan ang pakiramdam ng babae at pinayagan ding umalis na ng ospital isang araw matapos ang operasyon.-- FRJ, GMA Integrated News