Tila bibiyahe at sasakay ng eroplano ang mga bisita sa reception ng isang bagong kasal na ginawa sa Tagaytay City dahil sa naisip na tema na gawing mala-airport ang lugar ng selebrasyon.

Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, ipinakilala ang bagong kasal na sina Melvin Sandoval at Divine Kho-Sandoval, na “ready for take-off” na sa panibagong yugto ng kanilang pagsasama dahil “bound” na sila para sa isang happy, married life.

Ang tema ng kanilang reception, pang-airport mula boarding pass, baggage scanner, check in counter at immigration.

“Naging inside hustle kasi nila before, during pandemic ‘yung mga pasa-buy, mga the usual na mga laman ng balikbayan box, nagpapasa-buy sila, dini-deliver nila dito sa Pilipinas,” kuwento ni Ruffa Clemente, wedding planner nina Melvin at Divine.

“Out of that, nabanggit ko lang na bakit hindi natin siya gawin na ‘yung souvenir niyo, giving back na rin,” dagdag ni Clemente.

Laking Sablayan, Occidental Mindoro si Melvin habang taga-Pampanga si Divine.

Nagkakilala sina Melvin at Divine noong 2018 sa pinagtatrabahuhan nilang homecare facility sa Abu Dhabi bilang mga nurse.


“‘Yung isang colleague ko na kasama ko sa bahay, meron nga si Divine, maganda. Doon ko tinry na kulit-kulitin siya. Awa ng Diyos binigyan ako ng pagkakataon na ma-meet siya, makilala,” kuwento ni Melvin.

Nais ng couple na maging mas memorable ang kanilang kasal hindi lang para sa kanila kundi para na rin sa kanilang guests.

“Napa-wow sila na parang, ‘Ay wow ganito pala ang feeling ng nasa airport. Kasi ‘yung iba hindi pa naman nakaka-travel overseas o kahit domestic,” sabi ni Divine.

Pasabog din ang wedding gift ni Melvin kay Divine, na Eras Tour concert ni Taylor Swift sa Singapore. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News