Naging palaisipan sa mga residente sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ang nakita nilang liwanag na bumulusok at gumuhit sa kadiliman ng gabi.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang aktuwal na video sa nakitang liwanag na tila dahan-dahan na bumubulusok at nag-iiba-iba ang kulay.

May pagkakataon pa na tila na nahati ito sa dalawa.

Tinatayang nasa isa hanggang tatlong minuto ang itinagal ng misteryosong ilaw depende sa lugar kung saan ito natanaw.

Ang mga residente, iba't iba ang naging pananaw kung ano ang naturang liwanag. Posible umanong bulalakaw, UFO o unidentified flying object, rocket ship o kaya naman ay eroplano na bumagsak.

Ngunit ayon sa Philippines Space Agency, ang naturang liwanag ay mula sa bahagi ng rocket o tinatawag na orbital debris o space junk.

Pero saan naman kaya iyon nanggaling at saan bumagsak? Alamin sa buong ulat ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News