Tatlo ang sugatan nang aksidente umanong nabagsakan ng bomba ng kanilang Russian Sukhoi-34 supersonic warplane ang sarili nilang lungsod na Belgorod, na malapit sa sinasalakay nilang Ukraine nitong Huwebes.
Sa ulat ng Reuters, sinabing makikita sa video footage ang sumambulat na kalye at mga nasirang sasakyan at mga gusali dahil sa lakas ng pagsabog.
Mayroon pa umanong isang sasakyan na tumilapon papunta sa bubungan ng isang tindahan.
Nagdeklara si Belgorod region governor Vyacheslav Gladkov ng state of emergency sa magdamag dahil sa insidente kung saan inilakas ang mga tao.
Sinabi nito na ang pagsabog ay nag-iwan malaking uka na umaabot ng 65 feet sa isa nitong pangunahing kalye.
Apat na sasakyan at apat na apartment buildings ang napinsala, na nagresulta ng pagkakasugat ng tatlong tao.
"Thank God there are no dead," sabi ni Gladkov sa kaniyang pahayag sa Telegram.
Ayon sa Russian news agency na Tass, sinabi umano ng Russian defence ministry na aksidenteng napakawakan ng isang Su-34 supersonic fighter-bomber jet ang bomba.
"As a Sukhoi Su-34 air force plane was flying over the city of Belgorod there was an accidental discharge of aviation ammunition," saad ng Tass na paliwanag umano ng defence ministry.
Hindi binanggit sa ulat kung anong uri ng bomba ang bumabog.
Magsasagawa umano ng imbestigasyon sa nangyari, ayon sa defense ministry. --Reuters/FRJ, GMA Integrated News