Nag-iwan ng mensahe sa blackboard ang mga magnanakaw para humingi ng paumanhin sa ginawa nilang panloloob sa isang eskwelahan sa Iloilo.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din sa GMA News Feed, sinabing inalerto ng isang guwardiya ng Oton Elementary School ang mga awtoridad nitong Lunes ng umaga matapos niyang makitang nawawala na ang appliances sa marami nilang silid-aralan at sa PTA Office.
Kabilang sa tinangay ng mga hindi pa matukoy na salarin ang 17 stand fan, tatlong wall fan, isang 21-inch flat screen TV, isang bluetooth speaker at isang brand new aircon.
Isinagawa ang pagnanakaw Linggo ng madaling araw, ayon sa inisyal na imbestigasyon.
Winasak ng mga suspek ang grill sa PTA office at posibleng dito sila dumaan.
Sa gitna ng imbestigasyon, nakita sa blackboard ng isa sa mga classroom ang mensaheng isinulat ng mga magnanakaw ng paghingi nila ng paumanhin.
"Pasensya na wala kaming bigas. Kami ang magnanakaw," ayon sa nakasulat.
Nanlumo ang maraming mga magulang dahil mga donasyon nila ang mga tinangay na gamit. Pinaghati-hatian pa nila ang pinambili sa mga gamit para maging kumportable ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Ayon sa pulisya, pamilyar sa lugar ang mga suspek at posibleng nagmasid muna ang mga ito bago sumalakay dahil alam nila ang mga silid na dapat looban.
Plano ng paaralan na magdagdag ng security guard at CCTV. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News