Naging agaw-pansin ang libing ng isang mangangaso sa Hungduan, Ifugao, dahil sa kaniyang hugis aso na kabaong, samantalang anyong kabayo naman ang kaniyang puntod.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing inihimlay na si Ama Binwag, isang dating mangangangaso.
Pinagawa ng kaniyang mga kaanak sa isang mang-uukit sa Banaue ang kaniyang kabaong at puntod, na halos isang buwan ang itinagal bago natapos.
Kaya rin ng mang-uukit na gumawa ng iba pang hugis tulad ng pagong, palaka, at usa. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News