Kahit na responsable at may tindig ng isang lalaki, lagi naman daw iniiwan ng kaniyang mga karelasyon ang isang "binata" sa Nueva Ecija. Ang dahilan, ang kondisyon sa maselang bahagi ng kaniyang katawan na mayroon umanong panglalaki at pambabae.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang ilang larawan ni Mark Pablo noong bata pa siya na babaeng-babae ang kaniyang hitsura at nak-gown pa.
Ayon sa ina ni Mark na si Rosario, isinilang si Mark na babae, kaya "Jemma" ang kaniyang pangalan sa birth certificate.
Pero habang lumalaki raw si Mark, napapansin nilang lumalabas sa kaniya ang ari ng isang lalaki.
Paniwala ni Rosario, dahil ito sa pagkain na kaniyang pinaglihian na "kasoy."
"Bigla pong lumalabas sa ari ko 'yung panlalaki. Noong bata po ako, pakiramdam ko po'y lalaki po ako," sabi ni Mark.
Babae pa rin kung umihi si Mark na paupo. Gayunman, hindi siya nireregla na parang isang babae, at hindi rin lumaki ang kaniyang dibdib.
Dahil pambabae ang kaniyang ari, Pumasok si Mark sa eskwelahan noon na nakapalda at bihis-babae. Nabunyag kalaunan ang kaniyang sikreto at naging tampulan siya ng tukso.
"Pinang-aasar po nila sa akin 'yung 'pukiti,'" kuwento ni Mark.
Pagkatigil sa pag-aaral, nagdesisyon si Mark na magbihis na ng panlalaki. At nang magbinata, nagkagusto na rin siya sa mga babae.
Pero sa tuwing natutuklasan ang kaniyang kondisyon, laging hinihiwalayan si Mark.
Hanggang sa makilala niya si April Paraon, na tumanggap sa kaniyang pagkatao.
Dalawang taon na ngayong matatag ang relasyon nina April at Mark.
Gayunman, hindi maiwasan ni April na magkaroon ng agam-agam tungkol sa tunay na kasarian ng kaniyang partner.
Natatakot din si April na baka hindi sila magkaroon ng anak ni Mark.
Dahil dito, humingi ng tulong si April sa KMJS para malaman ang tunay na kondisyon ni Mark.
Kaya naman tinulungan ng "KMJS" team na ipasuri sa eksperto si Mark at natuklasan ang tunay niyang kasarian. Matanggap kaya ni April ang posibilidad na hindi sila magkaanak ng nobyo? Tunghayan ang buong kuwento sa video.--FRJ, GMA Integrated News