Laking gulat at tuwa ng isang online seller nang may makita siyang sobre na may bulto-bultong Japanese Yen na nagkakahalaga ng ¥300,000 sa nakuha niyang ukay-ukay na kaniyang ibinebenta. Ang malaking tanong ngayon, totoo kaya itong Japanese Yen at magkano kaya ang halaga?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nagdesisyon si Cherry Espejo na mag-resell ng ukay-ukay na kaniyang ipini-Facebook live para may dagdag na kita para sa kanilang pamilya.
Nawalan kasi ng pasada ang kaniyang mister noong magkapandemya, at pinagagamot din nila ang kaniyang ina.
Kaya naisipan ni Espejo na magbenta ng ukay na nakukuha ng supplier mula sa ibang bansa.
Nitong nakaraang linggo, malaking problema ni Espejo kung saan siya kukuha ng panggastos sa bahay, pagkain at pambili ng gamot ng ina.
At habang binubuksan niya ang tali ng ukay na kaniyang binili, may nakita siyang isang makinis at puting sobre sa sahig. At nang buksan niya, tumambad ang bulto-bultong Japanese Yen.
Nang suriin ni Espejo ang laman ng sobre, mayroong itong 30 piraso ng tig-¥10,000 o isang lapad, na nasa P4,000 ang halaga kung tunay na pera at kung maipapalit.
"Sa sobrang saya namin, parang nakatama kami sa lotto. Sinasabi ko 'Totoo na ito!' kasi walang walang kami eh. 'Sana totoo na ito, ibigay Mo na sa amin,'" panalangin ni Espejo.
Ang malaking tanong, tunay kayang pera ng Hapon ang nakita ni Espejo mula sa ukay na puwede niyang ipalit sa piso? Alamin ang kasagutan sa video. --FRJ, GMA News