Nagwala at naging malakas umano ang tatlong babae na pinaniniwalaang sinapian ng masamang espiritu sa Davao City. Ang mga babae, empleyado sa isang spa na sinasabing may mga kaluluwang ligaw.
Sa ulat ng GMA News Feed, ipinakita ang video nang dalhin ang mga babae sa bahay ng kilalang faith healer na si Madam Vergie.
Sa gitna ng ginagawang ritwal, nagpumiglas ang isa sa mga babae. Nasa anim na tao ang nagtulong-tulong para mahawakan siya dahil sa naging malakas daw ito.
Tila nagwala rin na rin ang dalawa pang babae nang gawin sa kanila ang ritwal.
Pero matapos ang ilang sandali, kumalma na mga babae at mistulang nahimasmasan.
Ayon kay Madam Vergie, nag--inuman daw ang mga babae pagkatapos ng kanilang shift. Hindi nagtagal, nagsisigaw na ang isa sa kanila at sinapian na rin umano ang dalawa pang babae.
“Nagpatugtog pa sila ng sounds na pang horror, nag-selfie-selfie sila, sayaw-sayaw. Ang isa natulog na, ang isa naman hindi makatulog kaya nanakot,” kuwento ni Madam Vergie.
Ayon sa namamahala sa spa, matagal na silang may kakaibang nararamdaman sa lugar. Kinumpira naman ni Madam Vergie na mayroong mga kaluluwang ligaw sa lugar.
Sabi naman ng Simbahang Katolika na hindi naman imposible ang sanib pero may iba pa raw na ikinokonsidera sa mga ganitong insidente. Gaya ng pagkakaroon ng personal na problema o pagkakaroon ng disturbed peace of mind.
“Sa kasaysayan ng simbahan, mayroon ding tinatawag na exorcist sa simbahan. Pero kailangan pa rin ng malinaw na imbestigasyon lalo na ngayon sa ating makabagong teknolohiya o makabagong panahon,” pahayag ni Fr. Voltaire Dimol mula sa San Pedro Catherdal. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA News