Nabalewala ang pagtatago ng mukha ng isang kawatan sa Jaro, Iloilo City nang alisin niya ang kaniyang face mask nang tumungga ng tubig para pawiin ang uhaw sa pinasok niyang establisimyento.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na mapapanood sa GMA News Feed, makikita ang pagdating ng lalaking suspek na may takip sa mukha at naka-baseball cap pa.
Pero sa pagnanakaw niya sa isang establisimyento, nabalewala ang pagtatago niya ng mukha dahil kinailangan niyang alisin ang face mask at tumungga ng tubig.
Base sa isang staff ng establisyento, inakyat ng lalaki ang ikalawang palapag ng gusali at naghagdan pa. Posibleng iyon daw ang dahilan kaya napagod at nauhaw ang kawatan.
Natangay ng suspek ang mahigit P2,000 cash at isang cellphone.
Sa pakikipag-ugnayan ng pamunuan ng establisyimento sa pulisya, natuklasan nilang marami na palang nabiktima sa lugar ang lalaki.
Inaasahang makatutulong ang kuha ng CCTV para madakip ang lalaki.--Jamil Santos/FRJ, GMA News