Sa gitna ng live selling, nagulantang ang isang pamilya nang may maghagis ng speaker sa hangdan gayung wala raw tao sa itaas ng kanilang bahay. Ang pinaniniwalaang multo na kaya raw magpagalaw ng bagay, isang bata na mahilig maglaro.

Sa programang "Dapat Alam Mo!," ipinakita ang video ng live selling nina Geoel Marie Quioc at ng kaniyang mga kasama, nang bigla na lang nahulog ang speaker mula sa itaas.

Nang suriin ang mga CCTV ng kaniyang shop, natuklasan ni Quioc na madalas na palang nahuhulog ang mga gamit doon kahit walang tao sa paligid.

Dahil sa takot, iniwan na lang ni Quioc ang shop. Pero tila sinundan siya sa bahay ng kung anuman ang nanggagambala sa shop.

"Malala rin dito. Hindi lang isa, parang tatlo 'yung nakikita ko. May bata, may aninong sobrang tangkad, may duwende," sabi ni Quioc.

Hindi lang isang beses nagparamdam ang misteryosong nilalang umano. Minsan sa live selling, may tinig ng bata na nai-record at nagsalita ng ingles na nag-aaya ng laro.

"Make me want to play," sabi ng boses, na sumabay ng pagsasalita kay Quioc habang nagpapasalamat siya sa kaniyang buyers habang nasa rooftop.

Bagaman may bata sa bahay, sinabi ni Quioc na hindi nagsasalita ng ingles ang kaniyang anak. 

Sa pagbisita ng paranormal researcher na si Ed Caluag sa bahay ni Quioc, kinumpirma niya ang presensya ng isang bata, na dumalas ang pagpaparamdam nang mawala ang berdeng bola nito.

Kinumpirma naman ni Quioc, na dati silang may berdeng bola pero nawala. Mas naging madalas daw ang pagpaparamdam ng batang multo nang mawala ang bola.

"Wala akong naramdaman sa kaniya na mananakit siya or manggugulo siya sa inyo. Laro lang po ang hanap niya. Playful siya na spirit. Pero considered natin siya as poltergeist dahil nakakapagpagalaw na siya," sabi ni Ed.

Nagpahanap si Ed ng berdeng bola kay Quioc para ibigay sa batang kaluluwa. Dito rin kinausap ni Ed ang bata na nagpakilala umanong si "Lawrence," 6-anyos, at taga-Subic.

Kinumpirma naman ni Quioc na bumisita sila noon sa isang village sa Subic.

"Sabi ko sa kaniya, bakit niya sinundan ito (Quioc)? Sabi niya 'She looks like my mom with a blonde hair,'" sabi ni Ed tungkol sa espiritu.

"Lahat para sa kaniya laro pa lang. Sa shop niya (Quioc) siguro nabo-bored siya roon. Eh dahil mommy figure ang tingin sa kaniya, ayaw niyang iwanan si mommy niya so nandoon lang siya. Worst-case scenario, kung hindi natin aaksyunan, darating ang time magta-tantrum siya, magwawala 'yan," dagdag ni Ed.

Alamin naman ang paliwanag ng isang multimedia professional at ng Simbahan tungkol sa nagpaparamdam umano na nakunan sa mga video ng live seller.--FRJ, GMA News