Sa pagbubukas ng klase at balik-face to face class, kinagiliwan ng netizens ang video sa social media sa ginawang paghabol ng isang guro sa isang kindergarten pupil na "tumakas" umano sa klase.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, makikitang sakay ng motorsiklo si teacher Lyca Joy Alvera ng Caroan Elementary School, kasama ang isang co-teacher para habulin ang limang-taong-gulang na mag-aaral na naglalakad sa gilid ng daan.
Kakapasok pa lang daw ng estudyante nang maisipan nitong umalis ng silid-aralan para umuwi na.
Kaya naman hinabol ni Alvera ang bata at sinuyo para hikayatin na bumalik sa eskuwelahan.
Umabot umano ng halos 300 metro ang habulan ng dalawa.
"Dali-dali po naming hinabol yung bata kasi nag-aalala kami na baka mapaano po yung bata sa daan," sabi ng guro.
Hindi pinagalitan o tinakot ni teacher Alvera ang batang energetic umano.
Pero sa huli, hindi na bumalik sa eskuwelahan ang bata at tuluyang umuwi.
Kaya naman sinamahan na lang ni Alvera ang bata hanggang sa makauwi.
"Kailangang ipadama sa mga bata na mahalaga sila, na hindi nakakatakot pumasok sa school, na naiintindihan ng mga guro yung kanilang mga nararamdaman. In this way, mamo-motivate mo silang pumasok at mag-aral," paliwanag ng guro.
Ayon sa mga eksperto, maaaring nakararanas ng separation anxiety ang mga bata lalo na kung unang pagkakataon pa lang papasok sa eskuwela gaya ng kindergarten pupil kaya hindi sila dapat biglain.--FRJ, GMA News