Muling napakinabangan ang toxic waste mula sa mga minahan matapos matuklasan ng isang grupo ng mga engineer at artist sa Ohio University sa Amerika kung paano ito ireresiklo at gagawing pintura para makalikha ng makukulay na obra.
Sa Next Now, sinabing kinokolekta ng grupo ng engineers, artists at environmentalists ang acid mine drainage (AMD) na tumatagas mula sa mga abandonadong minahan.
Makikitang halos kulay pula ang kontaminadong ilog at lupa sa Southeast Ohio dulot ng sulfuric acid at iron oxide, na mga sangkap din sa paglikha ng pintura.
Mula sa polluted na tubig, sinasala ang iron saka ito tinutuyo at dinudurog para makagawa ng pigment na nagbabago ang kulay sa iba't ibang temperatura.
"This dried pigment from toxic coal sludge is then ground with linseed oil and a glass muller to create artist-grade oil paint or mixed with acrylic polymers and resins to make water-based paints," sabi ni John Sabraw, art professor sa Ohio University.
Sinusubukan ngayon ng grupo na mapalawak ang produksyon ng recycled at sustainable paint at kalakip nitong water-treatment initiative para malinis at maibalik ang buhay sa mga sapa at ilog ng lugar. —VBL, GMA News