Nagmamadaling rumesponde sa sunog ang isang truck ng fire volunteers. Pero pagdating nila sa toll ng North Luzon Expressway (NLEX), ilang minuto silang tumigil dahil siningil sila ng toll fee.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing miyembro ng Marikina Filipino-Chinese Fire Brigade Volunteers ang mga bumbero na patungo sa Calumpit, Bulacan nitong Linggo.
Pero pagdating sa Mindanao Toll Plaza, hindi kaagad itinaas ang harang sa toll gate para singil ang mga bumbero.
Ipinaliwanag ng kahera na "pribado" ang kanilang sasakyan at hindi "government vehicle" kaya dapat silang magbayad ng toll fee.
Gayunman, ipinaliwanag ng mga bumbero na hindi sila sinisingil sa ibang toll gate na dinaanan nila kapag reresponde sa sunog.
Makaraang ng tatlong minuto, pinayagan din ang mga fire volunteer na makalusot at hindi pinagbayad.
Sinubukan ng GMA News na hingan ng reaksyon ang Marikina Filipino-Chinese Fire Brigade Volunteers pero hindi na sila nagkomento.
Sa kanilang Facebook page, tinawag ng fire volunteer group “isolated case” ang nangyari. Ipinagtanggol din nila ang ginawa ng kahera sa toll gate na ginagawa lang ang trabaho at sinusunod ang itinatakda ng Toll Regulatory Board (TRB).
Paliwanag naman ni TRB Spokesperson Julius Corpuz, “Strictly po kung susundan po ‘yung Department Order at Memorandum Order, dapat talaga pa siyang magbayad kasi private po siya, hindi siya government vehicle. However, naging…because of the emergency situation, naging policy naman ng NLEX na lahat ng ‘yan ay libre na.”
Sinabi rin ni Corpuz na sumulat na ang TRB sa NLEX tungkol sa insidente.
Ayon sa NLEX, naantala ang biyahe ng firetruck dahil kinailangang magsagawa muna ng beripikasyon.
Kailangan daw na maabisuhan muna ang kanilang traffic control personnel tungkol sa dadaan na private firetrucks at ambulance para hindi singilin ng toll fee gaya ng mga government vehicle. --FRJ, GMA News