Palaisipan sa mga eksperto ang biglang paglitaw ng isang higanteng sinkhole na may lawak na 25 metro at lalim na tinatayang 200 metro na malapit sa isang minahan sa Chile.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing wala namang natukoy na materyales sa ilalim ng sinkhole. Kaya palaisipan pa sa mga eksperto kung paano ito nabuo noong Hulyo 30.

Gayunman, may nakitang malaking volume ng tubig sa ilalim.

Base sa impormasyon mula sa mga lokal na ulat, ino-operate ng Canadian company na Lunding Mining ang lupa kung saan lumitaw ang sinkhole.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kumpanya tungkol sa sinkhole, habang pansamantalang ipinasara ang mga lugar sa paligid ng butas para maiwasan ang disgrasya.

Sa Whitburn, U.K. naman, nabuo rin ang isang higanteng sinkhole sa bangin sa isang coastal area.

Gayunman, hindi kinatakutan ang sinkhole dahil sa nakamamanghang buhangin at shells na natuklasan sa ilalim ng sinkhole.

Nagmimistula ring mini-beach ang sinkhole tuwing umaalon.

Patuloy na mino-monitor ng mga eksperto ang sinkhole at hindi pinalalapitan sa mga tao bilang pag-iingat.-- FRJ, GMA News