Kahit na kumportable ang kanilang mga kama at unan, hindi naman pinatutulog ng "Zero Star" hotel sa Switzerland ang kanilang guests at sa halip ay minumulat sila tungkol sa mga problema ng mundo.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing bukod sa malinis na kwarto, meron ding butler na handang paglingkuran ang mga guest ng Zero Star hotel.

Gayunman, walang pader ang kanilang kwarto at nakapwesto sa may gasolinahan sa tabing kalsada.

Meron din kwarto ang Zero Star hotel sa may ubasan at tabi ng burol.

Ang naturang hotel ay art installation ng dalawang concept artists sa naturang bansa, na naglalayong hindi makatulog ang guests at mamulat sila sa mga problema ng daigdig.

Nagkakahalaga ng 325 Swiss francs o lagpas P18,000 ang rate per night.

Kahit hindi nakaka-relax ang vibes sa Zero Star hotel, nasa lagpas 6,500 naman ang mga taong nasa waiting list. —Jamil Santos/VBL, GMA News