Sa makukulay niyang obra na umaabot ng P40,000 ang halaga, hindi mo aakalain na color blind pala ang isang pintor mula sa Cebu.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Katrina Son, ikinuwento ni Celso Pepito na natuklasan niya ang kaniyang color blindness nang makapagtapos siya ng pag-aaral.
Minsan daw ay may nagpagawa sa kaniya ng woodcraft, at nagkamali siya sa mga kulay na kaniyang ginamit.
“At first, sabi ko baka hindi ko lang natunton iyong kulay. Then later on noong nagpunta ako sa doktor, doon ko na-confirm na meron pala akong gano’n,” sabi ni Pepito.
Gayunman, hindi naging hadlang kay Pepito ang pagiging color blind para gawin ang hilig niya sa pagpipinta.
"Sa akin kasi, dinisregard (disregard) ko na 'yung color blindness ko as a problem. Ginawa ko na siyang parang motivation," sabi ni Pepito.
Sa kaniyang pagpipinta, ginagabayan si Pepito ng kaniyang asawa at mga miyembro ng pamilya para matukoy ang tamang kulay.
Bukod sa pagtingin sa label, inaayos ni Pepito ang mga kulay mula light hanggang dark o warm hanggang cool.
Ipinaliwanag ng optometrist na si Dr. Teresita Yambot, na maaaring color blindness o color deficiency ang dahilan kung bakit hirap makatukoy ng kulay ang isang tao.
“Ang [colors] ay blue, red, and green. In color blindness, absent,” sabi ni Dr. Yambot. “Pero kapag tinawag nating color deficiency, present iyong tatlong cone—blue, green, at red—kaya lang may weakness.”
Nasusuri ang color blindness sa pamamagitan ng Ishihara color test, na maaaring matukoy kung may red o green color deficiency ang isang tao. Ang gamutan naman ay sa pamamagitan ng neuro-vision therapy.
Base sa mga pag-aaral sa mundo, 8% ng mga kalalakihan at 0.5% ng mga kababaihan ay color blind. --FRJ, GMA News