Malaking problema sa kapaligiran ang tone-toneladang plastic na basura. Pero posibleng may maging bagong kaagapay para mabawasan ito sa tulong ng... "superworms."
Sa video ng GMA News "Next Now," natuklasan sa isang pag-aaral sa Australia na kayang kainin at tunawin ng larva ng Zophobas morio darkling beetle, o superworm ang styrofoam o plastic waste na hindi sila kaagad tumataba.
Ayon sa microbiologist na si Christian Rink, “The worm first shreds the polystyrene [ang plastic na ginagamit sa paggawa ng mga consumer product] in smaller parts, then the microbes chemically or basically use the enzymes to degrade it further.”
Gamit ang metagenomics technique — ang pag-aaral sa specific group ng microorganisms — sinusuri ang genetic material ng sample mula sa superworms.
Paraan ito upang malaman kung aling enzyme ang kayang tumunaw sa plastic.
Plano na gumawa ng mga katulad na enzyme para magamit sa mga recycling plant.
Ayon sa UN Environment Programme, nasa 7 bilyong toneladang plastic na basura sa mundo at 10 porsiyento lang ang nare-recycle.
Kaya malaking tulong ang mga maliit na uod na superworms sa paghanap ng solusyon para mabawasan ang mga basurang plastic. — FRJ, GMA News