Nabulabog ang mga residente sa isang barangay sa Dagupan City, Pangasinan dahil sa isang mahabang sawa na nakitang nakalambitin sa kawad ng kuryente.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing may habang 12-talampakan ang nakalambiting sawa sa Barangay Malued.
Sa amatuer video, makikita ang residenteng si Allan Ortega na sinusungkit para makuha ang nakalambiting sawa.
Hindi nagtagal, ligtas na nakuha ni Ortega ang ahas. Nakita na mayroon itong mahabang sugat.
Hinala ni Ortega, nanggaling sa likod ng kiskisan ang sawa dahil mayroon daw bodega at damuhan sa naturang lugar.
Posible umanong gutom ang sawa at naghahanap ng makakain.
Sa nasabi ring lugar kung saan nahuli ang malaking sawa, isang maliit na ahas din umano ang nakita ng mga residente.
Paalala naman ng isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources, asahan na ang paglabas ng mga ahas mula sa kanilang mga lungga ngayong tag-ulan para maghanap ng makakain.
Hinikayat din ang publiko na huwag patayin ang mga makikitang sawa para mapakawalan sila sa wild o natural nilang tirahan.
Mayroon namang residente ang handang alagaan ang nahuling sawa na nakalambitin kung papayagan siya ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News