Isang lalaki ang nakatakdang operahan matapos niyang aksidenteng malunok ang kaniyang pustiso habang natutulog sa Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing inoobserbahan sa isang pagamutan sa Dagupan City ang 39-anyos na si Benjie Villamor, residente sa bayan ng San Jacinto.
Kuwento niya, lasing siya nang mangyari ang insidente at hindi na niya naalis ang kaniyang pustiso nang makatulog.
WATCH: Gulong ng kotse, nabutas sa 'kagat' ng pustiso
Hindi na umano masyadong masakit ang kaniyang lalamunan kapag lumunok dahil bumaba na ang puwesto ng pustiso sa loob ng kaniyang katawan.
Nakatakda umanong operahan si Villamor para alisin ang pustiso. Iniisip niya ang gagastusin sa operasyon dahil nag-e-extra lang umano siya bilang construction worker.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, spokesperson, CHD-Ilocos, delikado kapag nalunok ang pustiso at mapunta sa bituka.
"Kapag nakalunok kasi ng pustiso mayroon dalawang puwede (itong) puntahan (sa katawan). Una, puwedeng dumiretso sa tiyan. So kapag dumiretso sa tiyan medyo delikado kasi alam naman na ang pustiso ay may matutulis na parte. So maaaring masugat o maaari niyang mabutas ang digestive tract," paliwanag ni Bobis.
Kaya payo ni Bobis sa mga may pustiso, alisin ang pustiso kapag matutulog dahil maaari itong matanggal at aksidenteng malunok.--FRJ, GMA News