Isinusulong na kabuhayan sa Tabuk City, Kalinga ang paggawa ng noodles na may kasamang tilapia.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing kahit bulubundukin ang Cordillera Region, mayroon pa ring programa sa Kalinga para sa pag-aalaga ng tilapia.
"They are culturing tilapia in pond at saka sa reservior small water impounding projects," ani Joyce Ducyogen, Kalinga Provincial Fisheries Officer.
Ang mga tilapia ang ginagawang pangunahing sangkap para sa food enhancement program kung saan ibinida ang iba't ibang putahe na may sangkap ng laman ng isda.
Isang grupo ng kababaihan sa Tabuk ang nakaisip na gumawa ng noodles mula sa isdang tilapia.
Inihahalo ang laman ng karne ng tilapia sa harina para gawing dough at saka idadaan sa makina para gawing hibla o noobles.
"Parang kakaiba rin na hindi lang noodles natin na ordinary na nalalagyan ng kalabasa o itlog. Para maengganyong ma-enhance (ang skills) ng mga kasama kong women na walang trabaho," paliwanag ni Minerva Bakiran, manager ng farmers cooperative.
Katulad din umano ng miki ang tilapia noodles at mas masarap daw itong iluto kapag bagong gawa.--FRJ, GMA News