Nahuli-cam ang pagbagsak ng isang poste ng kuryente sa Tondo, Maynila na bukod sa may lamat na umano, overloaded pa ng mga kuntador at sangkaterbang kable.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, sinabing nangyari ang insidente sa kanto ng F. Varona at Kapungan Sts. sa Tondo noong Sabado, Abril 30.

Isang matandang lalaki ang nadaganan at nagtamo ng injury sa ulo, at isa pa ang tinamaan sa tuhod. May nadaganan din na tatlong tricycle at isang motorsiklo.

Nahirapan umano ang mga sumaklolo sa mga biktima dahil sa dami ng naghambalang na kawak o kable.

"Sari-saring wire na po ang nakakabit dito. Lalo na yung telephone hindi po nila tinitingnan kung nakakaperwisyo na o hindi yung mga sala-salabat na kuryente na nandirito," ayon kay Rodrigo Dino, chairman ng Brgy. 79.

"Kaya nga nakikiusap talaga kami, naninikluhod sa mga telecom na kung maaari iyong mga walang linya baka puwede linisin na nila," patuloy niya.

Dahil sa nangyaring pagbagsak ng poste, nawalan din ng kuryente sa lugar at katabing mga barangay.

Iniimbestigahan na ng Meralco ang nangyari at nakikipag-ugnayan sila sa mga kaanak ng mga nasugatan.

Napalitan na ang bumagsak na poste at nilagyan ng karagdagang kakabitan ng mga kuntador at kable. --FRJ, GMA News