Kakaiba ang abilidad ng isang aso sa Antipolo, Rizal na mistulang pinapara ang tricycle para makisakay at makagala na mag-isa.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabi ng amo ng aso na si Jamie Ann Purificacion, na mahilig talaga ang kaniyang alagang si "Lyka" na sumakay sa tricycle sa kanilang lugar.

Sa video, makikita si Lyka na hinarang ang paparating na tricycle at kinahulan.

Nang tumigil ang tricycle, dali-dali siyang sumakay.

Makikita naman na tumatakbo ang isa tao para ilabas siya sa tricycle.

Ayon kay Purificacion, tuta pa lang daw si Lyka ay palagi itong isinasama ng kaniyang nanay sa palengke sakay sa tricycle.

Kaya naman nasanay ang aso na nakikita ang kaniyang amo na pumapara at sumasakay sa tricycle.

Nagugulat din daw sila kung minsan dahil inihahatid sa kanilang bahay si Lyka ng tricycle driver.

Kilala na raw sa kanilang lugar at maging ng mga tricycle driver si Lyka. --FRJ, GMA News