Nabulabog ang isang barangay sa Negros Occidental nang makarinig ng mga yabag sa bubungan ng mga bahay ang mga residente. Nang tingnan ang may gawa ng yabag, nakita ang isang babae na pinaghinalaan nilang aswang.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing ilang gabi na raw na nakakarinig ng kaluskos sa bubungan ang mga residente.
Kaya naman alisto ang mga tao at naghanda ng mga armas ang ilang kalalakihan tulad ng pana at itak bilang proteksyon.
Hanggang sa nitong nakaraang linggo, may mga yabag na nadinig sa bubungan ng mga bahay. At nang silipin daw ng isang residente ang bubungan, doon na nakita ang isang babae na kumaripas umano ng takbo.
May isang residente na sinubukang panain ang nasa bubungan pero hindi niya tinamaan. Mayroon ding armado ng itak na humabol sa babae pero nakaalpas pa rin daw ito at nakatakbo sa tubuhan.
Ngunit hindi tinantanan ng mga residente ang babae, hanggang sa makorner nila at mahuli.
Inilawan nila ang mata ng babae, at sinubuyan ng asin at bawang na pinaniniwalaan ng mga tao na panlaban sa aswang.
Itinali rin nila ang paa, kamay at leeg ng babae para hindi makawala.
Nang tanungin ang babae kung ano ang ginagawa niya sa lugar, sinabi nitong hinahanap niya ang kaniyang anak.
Hanggang sa dumating na ang kaanak ng babae na napag-alaman na 58-anyos, at nakatira sa kabilang sitio.
Kinalaunan, pinakawalan din ang babae at pinayagang makauwi sa kanilang bahay. Ayon sa kaanak ng babae, nagpaalam lang itong iihi at hindi nila akalain na umalis pala ng bahay at nakarating sa kabilang sitio.
Nag-iwan ng mga sugat at pasa sa kaniyang kamay at paa ang pagkakatali sa kaniya. Bukod sa sugat sa kaniyang damdamin dahil sa pinaghinalaan siyang aswang.
Ngunit bakit nga ba siya napunta sa bubungan ng bahay? Masasabi nga bang nalabag ang kaniyang karapatang pantao dahil sa ginawang pagtali sa kaniya?
Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News