Nilagnat ang isang anim na buwang gulang na sanggol matapos siyang aksidenteng mabakunahan ng COVID-19 vaccine sa Santa Maria, Bulacan.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, inilahad ng ina ng sanggol na dapat sana'y pneumococcal vaccine ang ituturok sa kaniyang anak noong Disyembre 29 sa health center.
"'Yung future effect po kay baby kasi siyempre, baby pa 'to. So 'yung mga internal organs niya baka hindi kaya 'yung gamot, Puwede ba itong maging cause ng pagiging special child?" pangamba ng ina.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng LGU at health officials ang insidente, habang mino-monitor din ang kondisyon ng sanggol.
Nagpaalala si Health Undersecretary Myrna Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center, sa mga nagbabakuna na iba dapat ang refrigerator ng COVID-19 vaccines sa regular na bakuna.
"We remind our implementers na hiwalay dapat ang paglalagyan at malaki ang label para hindi sila malito," sabi ni Cabotaje.
Sa ngayon, mga 12-anyos pa lamang ang maaaring mabakunahan.
Maaari naman nang masimulan ang pagbabakuna sa mga edad lima hanggang 11-anyos sa unang linggo ng Pebrero kapag dumating na ang mga bakunang para sa kanila. —Jamil Santos/VBL, GMA News