Mula sa mga face mask na kayang maka-detect ng COVID-19 hanggang sa "dream job" ng taong kumikita dahil sa pagtulog, puno talaga ng mga ulat na may gulat ang taong 2021. Balikan ang mga nakamamanghang balita sa loob at labas ng Pilipinas.
Face mask na may built-in amplifier at microphone
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, naging hamon sa mga tao ang pagsasalita dahil hinihikayat ang pagsusuot ng face masks. Kaya naman naimbento ang isang face mask na may built-in amplifier at microphone.
Dahil sa mikropono, mas malinaw nang maririnig ang pagsasalita ng tao na magsusuot nito. Waterproof din ito at merong medical grade respirators na kayang mag-filter ng 95% airborne particles.
Rechargeable ang face mask sa pamamagitan ng case na may kakayahang mag-disinfect gamit ang UV lights.
22-anyos na lalaki, nakabili ng bahay dahil sa paglalaro ng Axie Infinity
Kinagigiliwan ngayon ng marami ang larong Axie Infinity, dahil sa oportunidad ng isang manlalaro na kumita rito sa pamamagitan ng Smooth Love Potion (SLP) na cryptocurrency.
Dahil dito, nakabili na ng dalawang bahay ang isang 22-anyos na lalaki, na dati lang nangungupahan. Ang isa namang 25-anyos na lalaki na nag-invest ng P200,000, nakabili na ng motosiklo, gamit sa bahay, at gastusin sa kanilang pangangailangan.
Pumanaw na mister, nagpakita sa panaginip para ituro ang naiwan niyang P3-M
Mahirap man paniwalaan, isang namayapang ama ang nagawa pa ring tulungan ang kaniyang naiwang pamilya na nagkakaroon ng problema sa pinansiyal.
Sa pamamagitan umano ng pagpapakita sa panaginip sa kaniyang misis, initay ni Tatay Manuel na bakbakin ang kaniyang maliit na bodega at doon nakita ang naipon niyang pera na nakabaon sa semento na nagkakahalaga ng P3 milyon.
Lalaking iniwan umano ng nobya, pinutol ang sariling maselang bahagi ng katawan
Naging usap-usapan sa Ilocos Sur ang isang lalaki na natagpuang hubo't hubad at duguan matapos niyang putulin ang sariling maselang bahagi ng katawan.
Ayon sa kaniyang mga kapitbahay, nagbago ang lalaki nang iwan siya ng kaniyang nobya at nalaman niya na lang na nag-asawa na ito ng iba. Pero hinala ng ina ng lalaki, nagawa ng kaniyang anak na putulin ang sariling ari dahil sa pagkalulong nito sa alak.
Ginang na halos 2 oras na umanong patay, nabuhay
Tila himala ang nangyari sa isang ginang na hindi na humihinga, walang pulso, at nangingitim na umano ang mga kuko, matapos siyang dumilat pagkaraan ng halos dalawang oras sa Nuevo, Iloilo.
Ayon kay Zaldy Dioso, asawa ng 44-anyos na si Violeta, na gumagamit ng nebulizer ang kaniyang misis nang bigla na lang itong tumigil sa paghinga at bawian ng buhay.
Nanigas na si Violeta, nangitim ang labi at mga kuko, nawalan na rin umano ng pulso at tumigas na ang panga.
Sa paniwalang patay na talaga si Violeta, wala nang nagawa ang pamilya kung hindi ang magdasal at hilingin sa Panginoon na buhayin siyang muli.At pagkaraan ng halos dalawang oras matapos na "mamatay" si Violeta, nakaramdam daw sila ng malamig na hangin at kasunod nito ay ang pagdilat ni Violeta, at sinabing napaganda ng kaniyang "tulog."
Sanggol, may nakadikit na mga binti sa dibdib mula sa hindi naubong kambal
Suwerte kung ituring ng ilang residente sa T'Boli sa South Cotabato ang bagong silang na sanggol na tila nakayakap na dalawang binti at may mga paa sa kaniyang dibdib.
Mayroon ding dalawang kamay ang kambal na hindi nabuo, pati na maselang bahagi ng katawan.
Pero para sa ina ng sanggol, batid niya ang hirap na pinagdadaanan ng kaniyang anak dahil sa kalagayan nito.
Organismo na nakayelo sa loob ng 24,000 taon sa Siberia, muling nabuhay
Isang organismo na nakabalot sa yelo sa nakalipas na 24,000 taon ang muling buhay at sumailalim sa asexual reproduction matapos makita sa lupaing naka-permafrost sa hilagang-silangan ng Siberia.
Natagpuan ng mga Russian scientist ang maliit at sinaunang hayop na bdelloid rotifer, isang multicellular na organismo na matatagpuan sa mga tubig-tabang sa buong mundo, at kilala sa kakayahan na matagalan ang matinding lamig.
Ang kaso na ito ay idinetalye sa isang pag-aaral sa Current Biology journal, na itinuturing na pinakamahabang panahon na natagalan ng isang nilalang ang nagyeyelong lugar.
Fetus, nabuo sa atay ng isang babae sa Canada
Naiulat sa Manitoba, Canada ang isang pambihirang kaso ng ectopic pregnancy na naganap sa isang 33-anyos na babae kung saan ang fetus na dapat sa matris mabuo, sa atay niya nakita.
Ayon sa doktor na sumuri sa ginang, 49 na araw na nang huling magkaroon ng buwanang dalaw o regla ang babae, na dinala sa ospital dahil sa pagdurugo sa nakalipas na 14 na araw nitong Disyembre.
At nang isailalim sa pagsusuri ang babae, doon natuklasan ang kaniyang sitwasyon na nabuo ang fetus sa kaniyang atay.
Base sa tala ng National Center for Biotechnology Information, mayroon lamang 14 na kaso ng ectopic pregnancy mula 1964 hanggang 1994 sa buong mundo, kung saan sa labas ng sinaupunan nabubuo ang fetus.
Kinailangang i-abort ng mga duktor ang sanggol sa atay para hindi malagay sa peligro ang buhay ng ina nito.
Mister sa Italy, nagpakulong para makalayo kay misis
Sa Italya, isang 30-anyos na mister ang nagtungo sa himpilan ng pulisya para hilingin na ikulong siya para makalayo siya sa kaniyang misis na hindi na niya matiis.
Lumitaw na naka-house arrest ang lalaki dahil sa nauna niya kaso tungkol sa ilegal na droga. Pero hindi na raw kayang tiisin ng lalaki na makasama pa bahay ang kaniyang misis kaya tumakas siya at pumunta sa presinto para makulong.
Natupad naman ang hangad ng lalaki dahil ibinalik siya sa kulungan bunga ng ginawa niyang paglabag sa kaniyang house arrest.
Dream job na kumita kahit tulog, nakamit ng isang Pinoy streamer
Bilin ng mga nakatatanda sa mga kabataan na huwag tutulog-tulog dahil walang mangyayari sa buhay. Pero para siguro sa isang 19-anyos na Pinoy streamer, hindi ito totoo.
Sa pamamagitan kasi ng pagtulog na naka-live stream, kumikita si Euan Garcera, na kilala bilang si ETS Gaming, nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Kuwento ni Garcera sa video ng GMA News Feed, nagsimula siya sa pag-stream ng online games nitong pandemic nang naaapektuhan na ang trabaho ng kaniyang mga magulang.
Kumita siya sa online games na ipinapalabas nang live sa Facebook o game stream kung saan bumibili ng "stars" ang viewers na may katumbas na halaga ng pera.
Pero pagkatapos ng paglalaro, sisimulan na niya ang sleep stream, kasabay na rin ng kaniyang pahinga.
Sa unang linggo ng gawin niya ito, sinabi ni Garcera na umabot sa $300 ang natanggap niya o katumbas ng mahigit P15,000.
--FRJ, GMA News