Kapag mahimbing na ang tulog ng mga tao sa Holbrooks Coventry sa England, biglang susulpot ang dalawang misteryosong tao na naka-costume na Gingerbread Santa at Christmas tree. Alamin kung bida o kontrabida sila sa komunidad ngayong panahon ng Pasko.
Sa video ng GMA News Feed, sinabi ng isang residente sa lugar na si Becky Leaper, na naghinala ang kaniyang mister na baka may masamang pakay sa kanilang sasakyan na nakaparada sa labas ng bahay ang dalawang gumagalang naka-costume na Gingerbread Santa at Christmas tree.
Bagaman una na nilang nakita ang ginawa ng dalawa, nagpasya pa rin silang abangan ang mga ito at matyagan nang lumalalim na ang gabi.
At doon na nila nakumpirma ang ginagawa ng dalawa.
"I opened the window and then burst out laughing. The 'Tree' then walked all the way up our drive and put a candy cane on the van as well, sabi ni Leaper.
Tuwing umaga, nakikita kasi ng mga residente sa lugar na may nakalagay na mga candy cane at iba pang treats sa kanilang komunidad.
Inilalagay nila ang treats sa ibabaw ng mga sasakyan at sa garden ng mga bahay.
Pero kahit nakita nina Leaper ang dalawa, hindi pa rin kilala ng mga tao kung sino ang dalawang naka-costume.
Ang mga bata, inaakalang si Santa Claus talaga ang nag-iiwan ng mga candy.
Hindi rin kasi sinasabi sa mga bata ng mga nakatatanda ang nakikita nila sa CCTV.
--FRJ, GMA News