Isang pambihirang kaso ng ectopic pregnancy ang naganap sa isang 33-anyos na babae sa Manitoba, Canada. Ang fetus na dapat sa matris mabuo, sa atay niya nakita.

Sa video ng GMA News Feed, ikinuwento ni Dr. Michael Narvey ng Children's Hospital Research Institute, na 49 na araw na nang huling magkaroon ng buwanang dalaw o regla ang babae.

Dinala umano ang babae sa ospital dahil sa pagdurugo sa nakalipas na 14 na araw.

At nang isailalim sa pagsusuri ang babae, doon natuklasan ang kaniyang sitwasyon na nabuo ang fetus sa kaniyang atay.

Nangyayari ang ectopic pregnancy kapag sa labas ng sinaupunan nabuo ang fetus. Pero pambihira raw na nangyayari na sa atay napupunta ang fetus.

Sa tala ng National Center for Biotechnology Information, mula 1964 hanggang 1994 ay mayroon lang 14 na kaso nito sa buong mundo.

"Its possible though that if the egg and sperm unite and then travel the other way out the way of the ovary, they can implant in the peritoneum which is most common or wound up travelling up to the liver wehre they implanted there," paliwanag ni Narvey sa posibilidad kung bakit sa atay nabuo ang fetus.

Kinailangang i-abort ng mga duktor ang sanggol sa atay para hindi malagay sa peligro ang buhay ng ina nito.

Noong 2012, isang kaso ng ectopic pregnancy sa atay ang naitala sa Journal of Emergencies, Trauma, and Shock.

Nangyari ito sa India, na 25-anyos ang ina, at 18-week-old ang buhay na fetus sa kaniyang atay.

Nasawi ang ina dulot ng komplikasyon at labis na pagdurugo habang inooperahan siya para alisin ang fetus sa kaniyang atay.

Nasawi rin ang isang 27-anyos na ina sa Vietnam noong 2007, dahil naman sa 23-week-old na fetus na nabuo rin at lumaki sa kaniyang atay.

--FRJ, GMA News