LUCENA CITY - Naging magarbo ang isinagawang programa sa pagbubukas ng mga pamaskong pailaw sa Quezon Provincial Capitol Compound sa Lucena City nitong Martes ng gabi.
Bago buksan ang mga pailaw ay hinarana muna ng mga seminarista mula sa St. Alfonsus Regional Seminary at ng choir ng Quezon Science High School ang mga tao.
Matapos ang mensahe ni Quezon Governor Danilo Suarez ay sabay-sabay na bumilang ang mga tao. Kasabay ng pagbubukas ng mga pailaw ang fireworks display.
Kinagiliwan ng mga taong dumagsa ang giant Christmas tree at ang garden na pinuno ng mga ilaw. Animo’y andap ang mga pailaw na nasa damuhan. Tampok din ang life-size Nativity display.
Nagliwanag ang paligid ng Provincial Capitol sa dami ng makukulay na pailaw na ang iba ay inilagay sa mga puno.
Sobrang nag-enjoy ang mga tao sa kanilang nasaksihan dahil hindi ganito kaganda ang palamuti noong isang taon na kasagsagan ng pandemya.
Sa mensahe ni Suarez, sinabi niyang nawa ay magkaisa ang mga Quezonian sa pagbangon sa mga suluranin tulad ng pandemya. Hangad din daw niya ang pagmamahalan, pagtutulungan at kapayapaan sa bawat isa. —KG, GMA News