Isang parlor sa Siaton, Negros Oriental ang dinagsa ng mga tao hindi para magpagupit kung hindi para makita ang isang salamin na sinasabing kusang nagkakaroon ng mga bakas ng mukha.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Jeda Curry, na nabili niya ang salamin noong Hunyo sa isang kostumer para magamit sa kaniyang parlor.
Pero bago nito, sumangguni sila sa albolaryo dahil sa paniwalang may kamalasang nangyayari sa kanilang bahay dahil sa pagkakasakit ng mga miyembro ng pamilya.
At nitong nakaraang Oktubre, nagsagawa ng ritwal sa bahay ni Jeda kung saan nagpahid pa sila ng dugo ng kambing sa iba't ibang bahagi ng kanilang bahay.
Pero kasunod nito, nagsimula na raw lumabas ang bakas ng mukha sa salamin sa parlor.
Noong una, binalewala ito ni Jeda at binura niya ang bukas ng mukha sa salamin. Pero kinagabihan, muli raw lumitaw ang bakas ng mukha.
Sunod naman ang ama ni Jeda ang nagbura sa naturang bakas ng mukha. Pero kinabukasan, muling nagkaroon ng bakas ng mukha sa salamin at higit pa sa isa.
Dito na naghinala ang pamilya ni Jeda na kusang bumabalik ng misteryosong bakas ng mukha sa salamin.
Para alamin naman kung mayroon lang nagbibiro sa kanila, sinubukan ni Jeda na pahiran ng pulbos ang kaniyang mukha at idinikit ito sa salamin.
Ngunit nang hindi siya nakabuo ng marka ng mukha sa salamin, lalong lumakas ang kaniyang hinala na may kababalaghang nangyayari sa salamin.
Imposible rin daw na hindi nila makikita kung may tao na lalapit sa kanilang salamin at ididikit ang kaniyang mukha.
Ang tiyahin ni Jeda, may napansin naman sa bakas ng mukha sa salamin na kahawig umano ng isa nilang lolo sa tuhod na matagal nang namatay.
Ang lolo nga kaya nila ang nagpapakita sa salamin? Alamin ang kasagutan at ang naging obserbasyon ng pulisya na nagsagawa ng imbestigasyon sa bakas sa salamin, pati na ang ginawang pagsusuri ng isang pari.
Panoorin ang video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News