Isang 30-anyos na mister ang nagtungo sa himpilan ng pulisya para hilingin na ikulong siya nang makalayo siya sa kaniyang misis na hindi na niya matiis.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing naka-house arrest ang lalaki na nakatira sa Guidonia Montecelio. Pero hindi na raw nito kayang tiisin na makasama pa bahay ang kaniyang misis, ayon sa pahayag ng pulisya.

"Exasperated by the situation, he preferred to escape, spontaneously presenting himself to the Carabinieri to ask to serve his sentence behind bars," sabi pa sa pahayag.

Ayon kay Captain Francesco Giacomo Ferrante ng Tivoli Carabinieri, may kinakaharap na kaso tungkol sa ilegal na droga ang lalaki kaya naka-house arrest ito.

"He lived at home with his wife and family. It wasn't going well anymore," ani Ferrante.

"He said, 'Listen, my domestic life has become hell, I can't do it anymore, I want to go to jail," pakiusap daw ng mister na gustong makulong.

Dahil sa paglabag ng mister sa kaniyang pagkaka-house arrest at utos ng korte, natupad ang hiling niya na makulong.— FRJ, GMA News