Isang aspirante sa pagka-bise presidente ang naghain ng kaniyang certificate of candidacy nitong Biyernes, at inilad niya ang plataporma kabilang na ang paglalagay ng banyo sa bawat barangay. Ang mga ihi, kokolektahan para gawing pabango at abono.
Si Alexander Lague, na tatakbong bise presidente sa ilalim ng Philippine Green Republican Party, katambal ang presidential aspirant na si Laurencio Yulaga.
Mayroon umanong kompanya ng langis si Yulaga, at pinagkalooban ng isang Russian consortium ng 740 billion euro para i-develop ang kaniyang teknolohiya.
“Paano? Simple lamang po if I’m not mistaken po mahigit 44,000 ang barangay sa buong Pilipinas. Bawat barangay tatayuan ko ng banyo at [comfort room] lalo na po ‘yung mga leading streets katulad ng Caloocan, EDSA to Heritage Hotel, Pasay City,” pahayag ni Lague.
Ang maiipon na ihi ng lalaki, gagawin niyang pabango habang liquid fertilizer naman ang gagawin sa ihi ng mga babae.
“Kasi ang ihi ng lalaki gagawin nating perfume sa teknolohiya ng aming presidential candidate na number one, top scientist sa buong mundo,” giit niya.
Ayon kay Lague, hindi niya gagamitin ang pondo ng Office of the Vice President para sa naturang proyekto. Sa halip, uutang siya sa kompanya ni Yulaga upang maipatupad ang proyekto.
Tutugunan din umano ni Yulaga ang problema sa polusyon, at hindi na kakailanganin ang landfill para sa mga basura at hospital wastes.
Ayon kay Yulaga, isa siyang scientist na nagtapos sa mula sa Harvard.
Sinabi rin ni Lague na buburahin nila ang kahirapan at katiwalian sa bansa.
Nagsimula ngayong Biyernes ang paghahain ng COC para sa national posts na ginawa sa Harbor Garden Tent sa Sofitel Philippine Plaza Manila compound sa Pasay City.—FRJ, GMA News